-- Advertisements --

GENERAL SANTOS CITY – Maliban sa patuloy na natatanggap na reklamo kontra sa Police Paluwagan Movement (PPM), panibagong investment scam ang inireklamo sa National Bureau of Investigation (NBI) kung saan isang mag-aaral umano ang nasa likod ng pangongolekta ng investment.

Nasa mahigit 50 katao ang sinasabing naloko umano ng BC investment at ayon sa NBI-Sarangani District Office, ang naturang investment scam ay pinapatakbo ng isang Jade Mark Bloron na taga-Yu Village, Barangay Apopong, lungsod ng GenSan.

Nagkuwento sa Bombo Radyo GenSan ang isang reklamante na hindi na ipinakilala ang sarili kung saan inihayag nito na hindi na nila mahagilap at makontak si Bloron.

Sinabi nito, sa kanilang paniwala ay aabot sa mahigit P2-milyon ang nalikom mula sa mahigit 50 katao na na-recruit ni Bloron matapos na pangakuan ng tubong aabot sa 40% hanggang 50% kada linggo.

Dagdag pa nito, una umanong nahikayat ni Bloron ang mga mag-aaral sa New Society High School sa pamamagitan ng P500 na investment.

Mas dumami ang investors at lumaki ang kanilang in-invest na pera dahil mas naengganyo matapos na naibigay ni Bloron ang ipinangakong interes.

Nagsimula lang umano ang pagtanggap ni Bloron ng pera noong Marso.