BACOLOD CITY – Agad na binawian ng buhay ang isang guro matapos masagasaan ng Isuzu MUX ang motorsiklo na kanyang minamaneho sa Gardenville, Barangay Tangub, Bacolod City, lagpas alas-4:00 kaninang madaling araw.
Sa interview ng Bombo Radyo kay Police Sergeant Cerelino Arrolado, imbestigador ng Bacolod Police Station 8, kinilala ang biktima kay Jojit Aujero, residente ng Zone 1, Barangay Purisima sa bayan ng Manapla.
Parehong patungo sa timog na dereksyon ang ang motorsiklo at ang SUV na minamaneho ni Anthony Nelson Huerva ng Doña Juliana Subdivision, Barangay Taculing nang mabundol ng SUV ang motorsiklo.
Dahil sa malakas na impact, nagtamo ng malubhang sugat si Aujero na naging dahilan ng kanyang pagkamatay.
Sumuko naman sa Bacolod Police Station 9 ang 33 anyos na suspetsado na agad namang ini-turn-over sa Police Station 8, ngunit ito ay isinailalim sa hospital arrest matapos sumama ang pakiramdam.
Dahil sa malakas na impact ng pagkabangga, nawasak ang unahang bahagi ng SUV.
Si Aujero ay napag-alamang isang guro sa Manapla National High School at nagsisilbing coach ng volleyball.
Sa ngayon, hindi pa natutukoy kung saan patungo ang biktima bago paman mangyari ang aksidente.