Hinawakan na ngayon ng Amerika ang pagkustudiya sa dalawang terorista na nasa Syria sa gitna na rin na patuloy na opensiba ng puwersa ng Turkey sa border sa bansang Syria.
Ang dalawang tinaguriang high value jihadists ay hawak ng Syrian Kurds pero daglian itong na-turnover sa US custody at inilabas ng bansa, habang pumapasok ang tropa ng Turkey.
Kinumpirma ng Amerika na hawak na nila sa isang sekretong lugar ang mga teroristang sina El Shafee Elsheikh at Alexanda Amon Kotey na binansagan ding “the Beetles” na kabilang sa apat na ISIS na siyang namugot sa pitong mga Amerikano, isang Briton at Japanese journalists at aid workers noong taong 2014 at 2015.
Kinumpirma na rin ni US President Donald Trump ang paghawak sa dalawang ISIS militants.
“In case the Kurds or Turkey lose control, the United States has already taken the 2 ISIS militants tied to beheadings in Syria, known as the Beetles, out of that country and into a secure location controlled by the U.S. They are the worst of the worst!”
Una rito, kabado ang Estados Unidos na baka makawala sa mga kulungan sa Northern Syria ang mga ISIS dahil sa pag-atake ng Turkey.
Kung maaalala ang sentro ngayon ng operasyon ng Turkey ay ang lugar ng Syrian Democratic Forces (SDF) o Kurds na kaalyado ng amerika sa kampanya laban sa ISIS.
Pero umatras ang Amerika sa lugar na siyang naging daan upang lumusob ang Turkey.
Itinuturing kasi ng Turkey na mga terorista ang mga Kurds kaya nais nila itong mapaalis sa border para makapasok ang mga Syrian refugees na nasa kanilang bansa.
Labis naman ang pagkabahala ngayon ng International Committee of the Red Cross na titindi ang krisis sa rehiyon dahil sa libu-libong mga sibilyan ang posibleng maapektuhan sa opensiba ng Turkey.