-- Advertisements --

BACOLOD CITY – Nakakulong na ang isang high value target matapos makuhanan ng mahigit P18 million na pinaghihinalaang shabu sa buy bust operation sa Lungsod ng Bacolod.

Alas-3:30 kaninang madaling araw nang isinagawa ng Police Station 3 ang buy bust laban sa subject na si Kenneth Jacosalem alyas Bonbon sa Prk. Gonzaga, Barangay Taculing, Bacolod City.

Narekober sa posisyon ng suspek ang 15 transparent knot tied plastic wrappers na may laman na white crystalline substance na pinaghihinalaang shabu, kasama na ang buy bust item; P,1000 na buy bust money; backpack at digital weighing scale.

Ito ay may bigat na 1,205 grams at may Dangerous Drugs Board value na tinatayang aabot sa P18,075,000.

Unang nakatakas si Bonbon ngunit nadakip din sa hot pursuit operation pagsapit ng alas-5:45 ng madaling araw at mahaharap ito sa paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.