CENTRAL MINDANAO- Nais masiguro ng liderato ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) na hindi na maulit ang anomalya sa kagawaran ng Edukasyon o ang tinatawag na mga Ghost Teachers.
Mismong si Minister Mohagher Iqbal ng Ministry of Basic ,Higher and Technical Education ng BARMM ang naglabas ng memorandum sa binuo na Regional Human Resources Merit, Promotion and Selection Board.
Pangunahing papel nito na hindi na makakalusot ang tinatawag na mga Ghost teachers na naging kontrobersya noong mga nakalipas na panahon sa binuwag na ARMM.
Pakay rin ng binuong Promotion and selection board na mga kwalipikadong guro ang magtuturo sa BARMM at mga matitinong guro na may magandang record ang uupo sa mga posisyon sa kagawaran ng edukasyon.
Ang lahat na mga guro na mag-aaplay ay dadaan ng Promotion and Selection Board ng BARMM hindi na makakalusot yong mga rekomendasyon ng ilang mga politiko o palakasan system.
Kaugnay nito ay hindi na pinapahintulutan ng MBHTE ang mga Schools Division head na isagawa ang pagpili ng mga guro sa kanilang lebel at ang RHRMPSB lamang ang may awtoridad na magsagawa ng selection at screening process.