BAGUIO CITY – Nadiskubre sa lalawigan ng Ifugao ang pinakabagong highest elevation o pinakamataas na kalsada ng Philippine Highway System sa buong bansa.
Ayon sa Department of Tourism – Cordillera, matatagpuan ngayon ang pinakamataas na kalsada sa Sitio Gihngaw, Tukucan, Tinoc, Ifugao sa kahabaan ng Kiangan-Tinoc-Buguias road.
Batay sa pag-verify ng Department of Public Works and Highways, ang nasabing highest point ay may taas o elevation na 7,968.07 feet o 2,428.66 meters above sea level.
Ayon sa ahensiya, mas mataas ito ng 568.07 feet o 173.14 meters kung ihahambing sa unang naideklarang highest point sa Cattubo, Atok, Benguet na may elevation na 7,400 feet above sea level.
Isinagawa ang field assessments sa Kiangan-Tinoc-Buguias Road noong nakaraang Enero 2019 sa pamamagitan ng mga kinatawan ng Planning Service ng DPWH Head Office, DPWH-Cordillera at ng Ifugao First District Engineering Office.
Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo, lumalabas na ang bagong highest point ay matatagpuan sa tinatawag na “the virgin forest o the mossy forest” at makikita din doon ang “Sea of Clouds of Tinoc” maliban pa sa napakalamig sa nasabing lugar.
Dahil dito, maglalagay ng marker sa final spot ng bagong highest point bago ang municipal fiesta ng nasabing bayan sa April 9-12.