Todo pasalamat si Monetary Board Chairman and Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) Governor Benjamin Diokno sa lumabas na survey mula sa Makati Business Club (MBC) kung saan ang BSP ang nakatanggap ng pinakamataas na highest satisfaction rating sa lahat ng mga government agencies.
Ayon kay Diokno ang kanilang consistent high satisfaction ratings ay lalo umanong magbibigay ng motibasyon sa BSP na pag-ibayuhin pa ang trabaho lalo na at inilabas ang survey kasabay ng 26th anniversary nitong buwan ng Hulyo at selebrasyon din ng ika-70 taon ng central banking sa Pilipinas.
Ang Makati Business Club survey results ay nilahukan 100 business executives kung saan umabot sa 97 percent ng mga respondents ang kontento at masaya sa performance ng BSP.
Mas mataas pa ito sa nakuhang 95.4 percent noong July 2015 kung saan ang BSP din ang nanguna sa mga institusyon ng gobyerno.
Batay pa sa 2019 survey pumapangalawa sa BSP ang NEDA, pangatlo ang PAGASA at DTI.
Kulelat naman sa survey ang MWSS dahil sa kakulangan ng sapat na serbisyo nito sa pagsusuplay ng tubig sa mga kunsumidores.
Samantala, binati rin naman ni Governor Diokno ang lahat ng mga kawani at opisyal ng BSP dahil sa pagpapakita ng magandang trabaho at pagpapairal ng “work values and ethics” upang iangat ang kanilang kagawaran.
“The results of the survey underscore the BSP’s pursuit of excellence as well as the quality of work put in by its officers and staff in pursuing the BSP’s mandate of fostering price stability, financial stability, and a safe and efficient payments system,” ani Governor Diokno.