![image 4](https://xrc.bomboradyo.com/newscenter/2023/05/image-4.png)
Iniulat ng Philippine Institute of Volcanoy and Seismology na nadagdagan pa ang ibinubugang sulfur dioxide ng Bulkang Kanlaon.
Ito ay matapos na magbuga ang nasabing bulkan ng aabot sa 1,099 toneladang sulfur dioxide mula sa summit crater nito na maituturing na pinakamataas na record na naitala nito ngayong taon batay sa datos mula sa Flyspec measurements ng PHIVOLCs.
Sa isang advisory ay sinabi ng kagawaran na ito ay mas mataas kumpara sa average na 124 tonelada kada araw na naitatala ng bulkan mula noong Marso 2023.
Bukod dito ay mayroon din na-monitor ang ahensya sa unang pagkakataon na concentrations ng volcanic sulfur dioxide mula noong Abril 2023 na thermal springs sa northern slopes ng Bulkang Kanlaon.
Nakapagtala din ng 141 volcanic earthquakes ng hanggang limang beses kada araw ang nasabing bulkan mula noong Abril 1 hanggang 30.
May namataan ding short-term inflation sa lower at middle slopes ng Kanlaon mula noong Marso 2023, na nagpapahiwatig naman ng slow pressurization sa bulkan, batay naman sa ground deformation data mula sa GPS at electronic tilt measurements kagawaran.
Ayon sa PHIVOLCS, ang mga parameters na ito ay posibleng senyales ng mataas na hydrothermal activity sa ilalim ng edipisyo ng nasabing bulkan na posibleng magresulta sa degassing ng mas malaling magma, na may kasamang phreatic o steam-driven explosions sa summit crater nito.
Samantala, dahil dito ay pinaalalahanan naman ng mga kinauukulan ang publiko at lokal na pamahalaan na iwasan ang pagpasok sa four-kilometer Permanent Danger Zone sa lugar nang dahil sa posibilidad ng biglaang phreatic eruptions.
Kaugnay nito ay hinimok din ng Civil aviation authorities ang mga piloto na iwasan munang lumipad malapit sa bulkan dahil sa mga ejecta na mula sa phreatic eruption na mapanganib para sa mga sasakyang pamhimpapawid.