ILOILO CITY – Naging matagumpay ang highlight at pagtatapos ng Iloilo-Guimaras Paraw Regatta Festival 2023.
Tema ngayong taon ay ang “Sailing Through the Waves of Ilonggo Tradition and Progress.”
Sa panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay John Lex Espinosa Bayombong, Chairman ng Paraw Regatta Festival, sinabi nito na labis ang kanilang pasasalamat sa mga nakibahagi sa ika-50 taon ng binansagang ‘Biggest Sailing Festival’ sa buong Pilipinas.
Ayon kay Bayombong, ang muling pagbabalik ng face-to-face na Paraw Regatta Festival matapos ang tatlong taon na pagkansela nito ay bunga ng pagtutulungan ng iba’t-ibang stakeholders na pinamumunuan ng festival committee sa ilalim ng Iloilo Festivals Foundation, Incorporated.
Naging highlight ng pagdiriwang ay ang sailing event kung saan nagpaligsahan ang mga Paraw mula sa Villa Beach sa Arevalo, Iloilo City papunta sa Guimaras Island at balik naman sa Villa beach.
Isa rin sa mga highlights ng festival ang Sinamba sa Regatta na ginanap sa Iloilo Freedom Grandstand.
Kagaya naman ng inaasahan, dinagsa ng mga tao ang Lechon Contest kung saan libreng ipinamigay ang lechon sa mga nanood ng festival.
Nagtapos naman ang event sa pamamagitan ng paglayag ng mga lighted paraw o mga bangkang may pailaw at fireworks display.