-- Advertisements --

BAGUIO CITY – Nakahanda na ang organizer ng Baguio Flower Festival o Panagbenga sa gaganaping Grand Street Dance Parade, bukas, March 2 at Grand Float Parade sa Linggo, March 3.

Ayon kay Baguio Flower Festival Foundation, Inc. (BFFFI) media committee co-chair Andrew Pinero, may mga contigents mula sa Iloilo City at Ilocos Norte na makikibahagi sa street dancing competition.

Aniya, aabot sa 28 na makukulay na mga floats ang mapapanood sa Grand Float Parade.

Nasisiyahan aniya ang grupo dahil dumami ngayon ang mga kompanya at organisasyon na makikibahagi sa mga pangunahing aktibidad ng Panagbenga.

Maaalalang sinuspindi ng alkalde ang klase ng mga paaralan sa lungsod para mabigyan ng pagkakataon ang mga estudyante na manood sa mga highlights ng Panagbenga.

Samantala, ipinasigurado naman ni Police Colonel Elesio Tanding, director ng Baguio City Police Office ang seguridad ng mga participants ng mga highlight events lalo na ang libo-libong mga manonood.

Aniya, wala naman silang namonitor na presensia ng mga grupo na magdadala ng gulo o banta at handang-handa na ang pulisya at mga force multipliers para sa pagtagumpay ng mga nasabing events.

Dinagdag niya na ipapatupad nila ang OPLAN No Mercy kung saan mahigpit nilang ipapatupad ang batas trapiko at iba pang patakaran para sa ikatatagumpay ng mga aktibidad.

Iniya-apela din niya ang pag-iingat ng publiko laban sa mga magnanakaw sa pamamagitan ng hindi nila pagdadala ng mga valuables para hindi sila mabiktima ng mga ito.