-- Advertisements --

Pormal nang iginawad ng Department of Budget and Management ang mahigit isang bilyong pisong pondo sa Department of Public Works and Highways na siyang gagamitin para muling maisaayos ang mga imprastrakturang nasira ng sunod-sunod na bagyong tumama sa bansa.

Ayon kay Budget and Management Secretary Amenah Pangandaman, ang hakbang na ito ay bilang pagtalima sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na agarang maibalik sa dating kalagayan ang mga nasirang tulay, kalsada, paaralan, at iba pang imprastraktura dahil sa bagyo.

Aniya, ang inilabas na Special Allotment Release Order ay may bisa hanggang December 31 , 2025 para tuluyang maipatupad.

Samantala, kinumpirma ni Pangandaman na aabot sa kabuuang ₱22.736-bilyon ang inilaang pondo para sa National Disaster Risk Reduction and Management Fund ngayong taon.

Mula sa kabuuang pondo, aabot sa ₱22.479-bilyon ang naibigay na sa mga ahensya ng gobyerno.

Kinabibilangan ito ng DPWH, DSWD, DHSUD, DND,DOF,DA, DILG at maging ang iba pang GOCCs.

Batay sa datos, pumapalo na rin sa mahigit ₱13.888-bilyon ang pondong ini-release ng DBM para sa Quick Response Fund ng mga nabanggit na ahensya ng gobyerno.