Hindi bababa sa P200 million pesos na halaga ng smuggled cigarette ang nasakote matapos ang isinagawang pinagsanib na operasyon ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group Anti-Fraud and Commercial Crimes Unit at ng Bureau of Internal Revenue.
Nasabat ito mula sa ikinasang operasyon sa Quezon City at Caloocan City nitong nakalipas na linggo.
Unang nasabat ng mga otoridad ang 1.7 milyon na pakete ng smuggled cigarette na nagkakahalaga ng ₱184-million sa lungsod ng Quezon noong September 12.
Kasabay nito ang pagkakaaresto sa tatlong indibidwal , isang Chinese at dalawang Pilipino na sinasabing sangkot sa naturang operasyon.
Sa sumunod namang operasyon ay nasabat ng mga tauhan ng CIDG at BIR ang 170 na kahon ng smuggled cigarette sa Caloocan City.
Ito ay tinatayang may street value na ₱12.7 million.
Tiniyak naman ng dalawang ahensya na ipagpapatuloy nila ang ganitong uri ng operasyon laban sa mga smuggled na sigarilyo at iba pang mga produkto dahil malaki ang malulugi sa gobyerno kapag nakakalusot sa merkado ang ganitong uri ng produkto.