-- Advertisements --

Nasa 1,234 na mga sasakyan at motorsiklo ang na-impound at nasa 442 ilegal accesories ang nakumpiska ng PNP Highway Patrol Group (HPG) sa ikinasanang “8th Simultaneous Nationwide Oplan Lambat Bitag Sasakyan-One Time Big Time Operation” kahapon.


Ayon kay PNP HPG Director, Police Brigadier General Alexander Tagum, nahuli din sa nationwide operation ng Regional Highway Patrol Units (RHPU) ang apat na wanted carnappers.

Sa buong maghapon ay nakapag-isyu ang mga tauhan ng HPG ng 7,205 traffic tickets sa samut saring violation.

Nakahuli din ang HPG ng 1,872 hindi rehistradong behikulo, 1,002 Hindi naka-helmet na motorcycle riders, at 38 Colorum na sasakyan.

Ang bilang ng mga impounded na sasakyan sa pagkakataong ito ay halos 200 porsyentong mas mataas sa huling nagsagawa ng one-time big-time operation.

Babala naman ni PNP Chief General Debold Sinas, magsilbi sana itong paalala sa mga motorista na laging sumunod sa batas trapiko dahil buhay nila ang nakasalalay sa maayos na pagmamaneho.