Aktibo at operational pa rin hanggang sa ngayon ang nasa 1,585 social media pages at networking sites na opisyal na pagmamay-ari ng Philippine National Police (PNP).
Ito ang inihayag ni PNP Chief Gen. Camilo Cascolan, matapos maiulat na ilang mga network pages ang tinanggal ng Facebook na may kaugnayan sa PNP at AFP dahil sa Coordinated Inauthentic Behavior (CIB).
Pero sinabi ni PNP Chief P/Gen. Camilo Cascolan na hindi lahat ng kanilang mga social media pages ay mayruong engagement sa mga netizen.
Gayunman, tiniyak ng PNP Chief na mahigpit naman nilang sinusunod ang itinakdang standards ng Facebook hinggil sa tamang paggamit ng social media pages.
Sinabi rin ni Cascolan na natanggap na ng Trust and Safety Manager ng Facebook Asia Pacific na si Rob Abrams ang kanilang request na ibalik ang natanggal nilang accounts at hinihintay na lang nila ang magiging sagot nito.
Binigyang-diin ni Cascolan na lahat ng kanilang mga official facebook pages ay monitored ng National Headquarters.
Siniguro din ni Cascolan na may karampatang disciplinary actions para sa mga police personnel na lalabag sa rules and regulations na nakapaloob sa PNP Social Media Policy.