Umabot na sa mahigit 1.6 million doses ng bakuna ang naiturok ng Quezon City Protektodo Vaccination Program sa tulong ng kanilang mga healthcare workers, staff at volunteers.
Sa datos na inilabas ng siyudad, sa kabuuan, higit 1 million o 59.72% ng 1.7 Million na target population ang nabakunahan na ng first dose sa sa siyudad sa kabila ng limitadong supply ng bakuna.
Umakyat naman sa 597,517 o 37.17% ang nakatanggap na ng kanilang second dose o fully vaccinated.
Ayon kay Quezon City Mayor Joy Belmonte, malaking bagay na mabakunahan ang isang indibidwal lalo na at may banta ng Delta variant.
Pinasalamatan ni Mayor Belmonte ang mga doctors, nurses, healthworkers, at volunteers sa kanilang oras at dedikasyon para maabot ng siyudad ang population protection.
Pinasalamatan din nito ang mga QCitizens sa kooperasyon at pakikiisa sa vaccination program ng pamahalaang lokal.
Samantala, iniulat din ng siyudad na nasa 95.3% o 104,847 na ang gumaling mula sa Covid-19 Quezon City.
Ayon sa QC Epidemiology and Disease Surveillance Unit (CESU), 3,901 ang kumpirmadong active cases mula sa 109,985 na kabuuang bilang ng nagpositibo sa lungsod.
Dumadaan sa validation ng CESU, health center staff at mga opisyal ng barangay ang datos na mula sa DOH para masigurong sila ay residente ng QC.
Maaaring magbago pa ang bilang ng mga kaso sa lungsod dahil na rin sa isinasagawang community-based testing.
Sa kabilang dako, patuloy na hinihikayat ni Mayor Belmonte ang QCitizens na magrehistro sa QC Vax Easy upang makatanggap ng schedule ng pagbabakuna.
Ang mga nabibigyan ng schedule ay alinsunod sa first in, first out system o prayoridad na mabakunahan ang mga naunang nakapagrehistro, depende pa rin sa supply ng bakuna na dumarating sa lungsod.
Pansamantalang suspendido ang paglalagay ng security seal sa QCProtekTODO vaccination cards mula sa mga District Offices habang ipinatutupad ang Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa lungsod.