Hindi naging hadlang ang malakas na buhos ng ulan upang dumalo sa malaking rally ang daan-daang libong mga anti-government protesters sa Hong Kong nitong Linggo.
Hindi mahulugang karayom sa dami ang mga ralyista na inokupahan ang pangunahing mga kalsada sa itinuturing na financial hub sa Asia sa ika-11 linggo ng mga demonstrasyon.
Sa pagtataya ng mga organizers, pumalo sa humigit-kumulang 1.7-milyong katao ang nakilahok sa mass rally kung saan buhos ang mga tao mula sa Victoria Park hanggang sa mga downtown area.
Inorganisa ang kilos-protesta ng pro-democrat organization na Civil Human Rights Front, na siya ring nag-ayos ng dalawang malalaking peaceful march noong Hunyo na dinaluhan ng daan-daang libong katao.
Kabilang sa mga slogan ng rally nitong Linggo ang “Hong Kongers Assemble: Peaceful, Rational, and Non-Violent Protesters Stand Out.”
Maliban sa pagbibitiw ni Hong Kong leader Carrie Lam, hirit pa rin ng mga ralyista ang tuluyang pagbawi sa extradition bill, pagtigil sa pagtawag sa mga protesta bilang “riot,” at pagpapanumbalik ng political reform.
Kapansin-pansin naman na walang namataang mga kasapi ng Hong Kong police sa protesta kung saan mayroon lamang maliit na contingent ng riot police sa paligid ng Chinese Liaison office sa Sheung Wan.
Nitong nakaraang linggo nang kanselahin ang mga flights sa Hong Kong airport dahil sa pagpapatuloy ng mga protesta.
Napasok kasi ng libu-libong mga demonstrador ang Hong Kong International Airport, rason para mapilitan ang ilang mga airline companies na kanselahin na ang kanilang mga outbound flights. (CNN)