BUTUAN CITY – Umabot sa 1,027 na mga armas ang nakumpiska ng Police Regional Office (PRO) XIII sa magkahiwalay na mga operasyon simula noong Enero hanggang Marso ng taong kasalukuyan.
Sa isinagawang accomplishments presentation ng simultaneous focused police operations ng PRO-13 headquarters, sinabi ni PRO-13 director Police Brigadier General Gilberto DC Cruz na 89 na mga baril ang nakumpiska sa kasagsagan ng COMELEC gun ban, habang 938 iba pa ang nauna nang isinuko sa iba’t ibang police units.
Tumugon naman ang mga delinquent gun owners sa Oplan Katok, o ang house-to-house visits ng pulisya, upang himukin ang mga gun owners na i-renew na ang kanilang expired na lisensiya na pagmamay-aring mga baril o pagsuko na lamang ng mga ito sa mga otoridad.
Sinabi ni Cruz na inaasahan nilang tataas pa ang naturang bilang gayon ipagpapatuloy pa rin naman nila ang kanilang operasyon hanggang sa mga susunod na buwan.