-- Advertisements --

Tinatayang aabot sa mahigit 1,500 police personnel ang ipinakalat ng Manila Police District (MPD) upang matiyak ang peace and order ng mga deboto at maging ng mga bisita sa pagdiriwang ng Kapistahan ng Sto. Niño de Tondo ngayong araw, Enero 21.

Pinatitiyak kasi ni Manila Mayor Honey Lacuna sa PNP na walang mga untoward incidents ang maitala sa pagdiriwang ng pista.

Siniguro naman Manila Police District Director, Police Brig. General Arnold Thomas Ibay na nakalatag ang kanilang security plan.

Ayon kay Ibay visible ang presensiya ng kaniyang mga tauhan partikular sa mga ruta ng gaganaping tradisyunal na prusisyon na “Lakbayaw” bilang pagbibigay seguridad sa lahat ng dadalo rito.

Sa kabilang dako, ipinag-utos din ni Mayor Lacuna ang mga hepe ng ibat ibang mga departamento ng Manila City Hall para sa pagpapatupad ng mga polisiya, ordinansa, pagpapanatili ng kalinisan at kapayapaan sa kasagsagan ng selebrasyon.

Inatasan din ni Lacuna na kumilos ang mga tauhan ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB), Manila Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO), mga pampublikong ospital, Department of Public Services (DPS), at City Engineering Office.