Mahigit sa 1,000 preso na convicted sa heinous crimes na napalaya dahil sa kontrobersyal na good conduct time allowance (GCTA) Law ang sumuko sa PNP at Bureau of Corrections (BuCor).
Ngayong araw kasi ang itinakdang deadline ng Pangulong Rodrigo Duterte para sumuko ang nasa 1,914 convicts.
Ayon kay BuCor spokesperson Sonny del Rosario, batay sa kanilang datos ay nasa 964 na ang sumuko.
Sa nasabing bilang, 432 rito ang naibalik na sa National Penitentiary sa Muntinlupa habang ang iba ay nakakulong na sa iba’t ibang jail facilities sa bansa.
Sa datos naman ng PNP, pumalo na sa 579 convicts ang sumuko habang 349 na ang nai-turn over sa BuCor.
Inaasahan na rin ng PNP na mas marami pang convict ang susuko ngayong araw.
Bukas araw ng Biyernes ay magsisimula na ang mga tracker teams na maglunsad ng warrantless arrest para sa mga convicts na hindi sumuko.
Hindi naman mag aatubili ang PNP na ipatupad ang shoot to kill order ng Pangulo kapag manlaban ang mga convicts sa otoridad.
Kasama sa mga tracker teams ang PNP-Special Action Force na magsisilbing augmentation force sa pagtugis sa mga convicts.