LEGAZPI CITY – Higit 1,000 listahan ng mga pampublikong eskwelahan ang naisumite na at inirekomenda ng Department of Education (DepEd) Bicol upang gawing pilot areas sa limited face-to-face classes.
Kasunod ito ng kumpirmasyon ng Malacanang na aprubado na kay Pangulong Rodrigo Duterte ang pilot implementation o dry run nito sa piling mga paaralan sa mga lugar na mababa ang banta ng COVID-19 sa buong buwan ng Enero 2021.
Ayon kay DepEd Bicol Regional Director Gilbert Sadsad sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, ang mga school’s superintendent ang pumili sa mga nasa listahan, kabilang na ang ilan mula sa mga lugar na hinagupit ng serye ng mga bagyo.
Tiniyak rin ni Sadsad na paiigtingin ang pagtutok sa trend ng COVID-19 cases dahil dito ibabatay ang pagtutuloy o pagpapatigil ng hakbang kung sakali.
Nilinaw naman ng direktor na kakausapin muna ang mga magulang kung sang-ayon na sumailalim na sa face-to-face classes ang anak.
Depende sa magiging usapan, kalahating populasyon ng mag-aaral ang papayagan sa face-to-face classes habang mananatili sa modular-based approach ang iba pa.