LEGAZPI CITY – Naglaan ang Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) ng Laguna ng karagdagang tents na magagamit ng mga apektado ng pag-aalburoto ng Bulkang Taal.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay PDRRMO Laguna head Aldwin Cejo, nagbigay ang provincial government ng Laguna ng nasa 800 modular tents na may kapasidad na hanggang apat na miyembro ng pamilya at 300 hanggang 400 na all-weather tents na kasya ang dalawang pamilya.
Sinabi pa ni Cejo na malaking tulong ang mga tents sa mga evacuees na maging komportable at mabigyan ng privacy ang bawat pamilya.
Sa kasalukuyan, nasa 9,000 katao ang inilikas sa Laguna kung saan 70% sa mga ito ang mula sa Batangas.
Giit pa ni Cejo na hindi magiging problema ang pag-accomodate sa evacuees dahil may iniaalok pang ibang evacuation center ang lokal na pamahalaan.
Hindi rin aniya nagkukulang ng supply para sa mga pangangailangan ng evacuees lalo na sa malinis na inuming tubig.