Pumalo na sa kabuuang 1,038,729 ang bilang ng mga naipamahaging Family Food Packs ng Department of Social Welfare and Development para sa mga naapektuhang residente ng bagyong Kristine at Leon sa bansa.
Kung maalala, ang rehiyon ng Bicol ang labis na naapektuhan ng bagyong Kristine kung saan maraming mga lalawigan ang nalubog sa tubig baha.
Batay sa datos ng ahensya, aabot sa 375,000 Family Food Packs ang naipamahagi sa naturang rehiyon.
Pinadapa rin ng bagyong Kristine ang Calabarzon at Central Luzon.
Kaugnay nito ay kinumpirma ng DSWD na naihatid na kahapon ang aabot sa 5,500 kahon ng FFPs sa lalawigan ng Batanes na naapektuhan naman ng Super Typhoon Leon.
Ito ay isinakay sa barko ng Philippine Coast Guard na BRP Gabriela Silang.
Sa naging pahayag ni DSWD Spokesperson Assistant Secretary Irene Dumlao, nagpadala rin ang ahensya ng 2,000 food packs sa bayan ng Calayan, Cagayan na naapektuhan rin ng bagyo.