Itutuloy ng Iloilo City Government ang pag-conduct ng random drug testing sa mga job hires at contract of service employees sa Iloilo City Hall matapos umabot na sa 13 na job hires ang nag-positibo sa paggamit ng iligal na droga.
Sa data mula sa Uswag Molecular Laboratory, napag-alamang 11 ang positive sa shabu habang dalawa naman ang positive sa paggamit ng marijuana.
Ang latest na nag-test positive sa illegal drug use ay ang driver ng Iloilo City Beautification Team.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Iloilo City Mayor Jerry Treñas, sinabi nito na sa sinibak na sa trabaho ang mga nagpositibo at na-i-refer na rin sa pulis at sa barangay para sa rehabilitation.
Ngunit ayon sa alkalde, maaari pang i-hire ulit ng city government ang job hire o ang contract of service employee kung matapos na ang rehabilitation at negative na sa paggamit ng iligal na droga.
Napag-alamang higit 3,000 ang job hires at contract of service employees sa city hall ngunit 2,068 pa lamang ang nakatapos sa drug testing.