Sumaklolo na ang Philippine Red Cross (PRC) sa mahigit 260 na nabiktima ng food poisoning sa malaking birthday celebration ni dating First Lady Imelda Marcos sa Pasig City.
Ayon kay PRC Chairman Richard Gordon, nagpadala na sila ng medical teams para tulungang madala sa mga pagamutan ang mga biktima.
“PRC medic teams are currently responding to an alleged food poisoning incident at the Birthday Celebration of Ms. Imelda Marcos at Ynares Sports Complex this morning. They transported 3 patients to Rizal Medical Center and assisted 25 other individuals,” wika ni Gordon.
Ayon naman kay Oranbo Brgy. Capt. Richard Pua, masaya pa sa umaga ang aktibidad sa Ynares Sports Arena, bago nagreklamo ng pananakit ng tiyan ang mga biktima.
Kabilang umano sa pinakain sa mga tao ay ulam na adobong manok, itlog, kanin at bottled water.
Aabot sa 2,500 ang dumalo sa aktibidad at inorganisa ito ng mga tagasuporta ng dating unang ginang.
Si Marcos ay nagdiwang kahapon, Hulyo 2, 2019 ng ika-90 kaarawan.