Maaaring maapektuhan ang kabuuang 108,767 ektarya ng mga palayan sa bansa dahil sa pananalasa ng bagyong Julian, batay sa datus ng Philippine Rice Information System.
Malaking porsyento nito ay mula sa Cagayan Valley region na umaabot ng hanggang 51,864 na ektarya. Ito ay pawang nasa probinsya ng Cagayan.
Sunod dito ay ang Ilocos Region na tinatayang may 46,911 ektarya na maaapektuhan. 25,731 ektarya ay mula sa Ilocos Norte habang 21,180 ektarya ay mula sa Ilocos Sur.
Sa Cordillera Administrative Region, inaasahang aabot sa halos sampung libong ektarya ng mga palayan ang maapektuhan.
Binubuo ito ng 4,238 na ektarya sa probinsya ng Abra at 5,754 na ektarya sa probinsya ng Apayao.
Samantala, batay sa kasalukuyang datus na hawak ng PRISM, malaking bahagi ng mga standing crops sa bansa ay nasa ripening stage o malapit nang maani. Ito ay may kabuuang 73,823 ektarya.
Umaabot naman sa 34,944 ektarya ang nasa reproductive stage habang 66,154 ektarya ang naani na bago pa man ang pananalasa ng bagyo.