-- Advertisements --

KORONADA CITY – Umabot na sa higit isandaang mga estudyante ng Mirab Elementary School sa bayanng Upi, Maguindanao del Norte ang naospital matapos makalanghap ng lason.

Ito ang inihayag ni Municipal Disaster Risk Reduction Officer (MDRRMO) Johnloyd Ulubalang sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Koronadal.
Ayon kay Ulubalang ginagamot ngayon sa Datu Blah Sinsuat District Hospital ang mga estudyante at patuloy na inoobserbahan ng mga doktor.

Napag-alaman na may isang magsasaka na nag-spray ng herbicide na may taglay na organophosphates at aromatic hydrocarbon na nalanghap ng mga estudyante na naging dahilan ng pagkakaranas ng pananakit ng tiyan at ulo, pagsusuka at pagkahilo ng mga ito.

Kaugnay nito ay pinasalamatan naman ng pamunuan ng Mirab Elementary School ang LGU at lahat ng tumulong upang agad na madala sa ospital ang mga grade school pupils.

Kabilang sa mga agad rumesponde ay ang Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office, Upi PNP, BFP, 57th Infantry Battalion ng army, lahat ng mga guro at iba pa.

Sa ngayon nakatutok ang Datu Blah Sinsuat District Hospital sa mga biktima at sa katunayan nasa stable condition na ang mga ito ngunit under observation pa rin ang mga ito ng PGH Poison Management and Control Center.

Ayon naman kay Upi Mayor Rona Tintin Piang-Flores, mananatili ng hanggang tatlong araw sa pagamutan ang mga bata upang ma-obserbahan ng mga doktor.

Samantala, nagsagawa na rin ang Local Government Unit ng Upi ang decontamination sa nasabing paaralan.