KORONADAL CITY – Nasa higit isandaang (100) mga umano’y flying voters ang napigilang makaboto sa ilang barangay sa bayan ng Lutayan, Sultan Kudarat kung saan namayani pa ang tension dahil sa pagpupumilit ng mga ito na makapasok sa mga voting precincts.
Sa salaysay ni Ginang Carmela Lazaga, isang watcher at asawa ng kandidato sa pagka-barangay chairman, nasa apat na sasakyan ang dumating sa Antong Elementary School kung saan lulan ang nabanggit na bilang ng mga flying voters.
Ayon kay Ginang Lazaga, kilala nila ang mga botante sa kanilang barangay dahil nasa higit isanglibo (1000) lamang ang botante kaya’t alam na alam nilang mga outsiders o hindi residente ng kanilang barangay ang mga dumating na nais bomoto.
Dagdag pa ni Lazaga ang nasabing mga botante ang nagmula sa ibang barangay gaya ng Mamali, Bulol at Sampao at mga supporters umano ni incumbent Barangay Chairman Johnny Sorongon na muling nagpapapili sa nabanggit na posisyon.
Maging ang mga Board of Election Inspectors (BEI) ay nabahala dahil hindi nakikinig sa kanilang mga flying voters at ayaw magpakita ng Identification Cards (IDs).
Nasa higit 30 minuto din na inihinto muna ang pagboto sa lugar dahil maging ang nakadeploy na mga pulis ay ayaw pakinggan ng mga dumating na flying voters.
Agad naman na nag-deploy ng karagdagang mga sundalo upang pumagitna sa nangyaring gulo at maipagpatuloy ang pagboto.
Emosyunal din na humingi ng tulong at pakiusap si Lazaga sa Comelec Supervisor na pumagitna sa gulo at siguruhing malinis pa rin ang resulta ng eleksiyon sa nabanggit na barangay.
Sa ngayon, dinoble pa ang seguridad sa nabanggit na lugar upang masiguro na maging matiwasay hanggang sa matapos ang bilangan at maiproklama ang resulta ngn eleksiyon.
Una nang inihayag ni BGeneral Jimili Macaraeg na ilang mga bayan sa Sultan Kudarat ang nasa areas of immediate concerns dahil sa presensiya ng mga armado at mga naitalang election related violence noong nakaraang eleksiyon.