-- Advertisements --

LA UNION – Mahigit sa 100 mga magsasaka sa Guimba, Nueva Ecija ang tuluyan nang binawi ang kanilang suporta sa rebeldeng New People’s Army (NPA) noong buwan ng Mayo habang nasa panahon ng community quarantine ang bansa dahil sa COVID 19 pandemic.

Kinumpirma sa Bombo Radyo La Union ni Major Amado C. Gutierrez, Chief Division Public Affairs Office, 7th Infantry (Kaugnay) Division, Philippine Army na kabuuang 105 mga magsasaka mula sa tatlong barangay sa Nueva Ecija ang nahimok ng dalawang unit ng militar ( 84th IB , 70th IB ) na nakabase sa nasabing lalawigan, na bawiin na ang kanilang suporta sa makakaliwang grupo.

Ayon pa kay Maj. Gutierrez, naliwanagan umano ang mga magsasaka na ang kinaaniban nilang grupo na Pambansang Katipunan ng Magsasaka (PKM) ay binuo ng NPA para makontrol ang mga magsasaka.

Maliban sa PKM, miyembro din ang mga naturang farmers sa Liga ng Manggagawang Bukid (LMB) na nakabase sa tatlong barangay sa Guimba, N.E. partikular sa Barangay Pacac, Bagong Barrio, at Barangay San Agustin.