-- Advertisements --

NAGA CITY – Mas lumobo pa ang bilang ng mga stranded passengers sa Pasacao Port sa Camarines Sur dahil epekto ng Tropical Depression Egay.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga kay ENS Bernard Pagador Jr., station commander ng Philippine Coast Guard (PCG)-CamSur, nabatid na mula sa mahigit 50 katao kahapon, pumalo na sa 128 ang bilang ng mga stranded passengers ngayong araw.

Ang naturang mga pasahero ay pawang patungo sana sa Masbate.

Kaugnay nito, nanawagan si Pagador sa publiko na ‘wag na munang magtungo sa pantalan dahil nananatiling kanselado ang biyahe lalo na at malakas ang mga alon sa karagatang sakop ng San Pascual.

Nagpaalala ang PCG official sa mga mangingisda na mag-ingat para hindi na maulit ang insidente kung saan tatlon nilang asamahan mula sa Camarines Norte ang na-rescue kahapon sa bahagi na ng Camarines Sur matapos ang apat na araw na palutang-lutang sa karagatan.