-- Advertisements --
image 100

LEGAZPI CITY – Nakapagtala ng isang major landslide sa kalsadang bahagi ng Barangay Cabungahan , San Andres, Catanduanes matapos ang walang patid na mga pag-ulan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay San Andres MDRRMO Asst. Head Mark Anthony Gianan, nasa 119 na motorista at mga pasahero ang na-stranded matapos na matabunan ng gumuhong lupa ang buong kalsada ng naturang lugar.

Kasama sa mga na-stranded ang ilang motorista, pick-up van at bus na pauwi na sana sa mga bayan ng Caramoran at Pandan.

Napag-alaman na may sakay na higit 30 estudyante at guro ang bus na pansamantala munang nanuluyan sa Cabungan Daycare center habang hindi pa clear ang daanan bunsod ng landslide.

Habang ang pick-up van na may sakay na mga pasahero ay pansamantalang tumigil sa Manarambrag Session Hall na inasikaso ng Manarambrag Barangay Council upang bigyan ng makakain.

Ayon kay Gianan, halos inabot ng maghapon bago natapos ang isinagawang clearing operation ng tanggapan katulong ang Department of Public Works and Highways (DPWH).

Malaki naman ang pasasalamat ng opisyal dahil walang nasaktan sa naturang insidente.

Paalala na lamang nito sa mga residente na maging alerto at mag-ingat sa mga posible pang insidente ng landslide lalo pa’t saturated na ang mga lupa dahil sa walang tigil na mga pag-ulan.