-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Pinangangambahang madagdagan pa ang bilang ng mga nabiktima ng food poisoning sa Lake Sebu, South Cotabato.

Ito ay makaraang isinugod sa Lake Sebu Municipal Hospital ang mahigit 100 residente mula sa dalawang barangay matapos na dumalo sa isang pagtitipon bilang suporta sa isang kandidato.

Ito ang inihayag ni Ms. Gaywing Gadung, event organizer sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Koronadal.

Ayon kay Gadung, nagpatawag ito ng pagtitipon sa Barangay Tasiman sa bayan ng Lake Sebu bilang suporta sa kanilang pinsan na si Barangay Lamfugon Kapitan Lea Lobong na kumakandidatong konsehal ng nabanggit na bayan.

Karamihan sa mga dumalo ay kanilang mga kamag-anak mula sa iba’t ibang mga sitio sa Barangay Tasiman at Lamfugon.

Isang oras lamang umano ang itinagal ng pagtitipon na nagsimula alas-12:00 ng tanghali hanggang ala-1:00 ng hapon, araw ng Linggo.

Dalawang putahe ang ipinakain sa mga dumalo sa pagtitipon kabilang na ang pansit.

Kinahapunan ay nagsimula nang makaranas ng pananakit ng tiyan, pagsusuka at pagdumi ang mga biktima kaya’t dinala sa ospital kabilang na ang mga bata.

Nanguna sa pagtulong ang Lake Sebu-local government unit (LGU) kung saan ang Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office ang tumulong sa pag-rescue at pag-transport sa mga biktima sa ospital.

Una na ring sinabi ni Mayor Floro Gandam sa Bombo Radyo na matapos niyang matanggap ang report ay nagpadala ito ng tulong sa mga biktima at sa ngayon ay nakaantabay ang LGU sa pagbili ng gamot, dextrose at iba pang pangangailangan ng mga ito.

Ngunit, aalamin pa ng mga doktor na sumuri sa mga biktima kung anong pagkain ang pinagmulan ng pagkaghilo ng mga ito.

Humingi naman ng paumanhin ang grupo ni Gadung at ipinangako na nakahanda silang sagutin ang pagpapagamot sa mga biktima.