-- Advertisements --
Screenshot 2022 09 30 14 11 13

Umabot sa mahigit 100 pamilya ang naitalang apektado ng baha at landslide sa tatlong Sitio na sakop ng Barangay Lamlahak, Lake Sebu, South Cotabato.

Ito ang kinumpirma ni Rolly Doane Aquino, OIC Provincial Disaster Risk Reduction and Management Officer o PDRRMO-South Cotabato sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal.

Ang mga apektadong lugar ay kinabibilangan ng Sitio Traan-Kini, Sitio Upper Talubek at Lower Talubek.

Ayon kay Aquino, nasa isandaan at labing pitong (117) pamilya ang apektado ng pagguho ng lupa at pagbaha simula pa kagabi.

Sa katunayan may natabunan pa na “bunkhouse” na tinutulugan ng mga construction workers na umaayos ng daan.

Dahil sa pangyayari, agad na lumikas ang mga pamilyang apektado at lumipat pansamantala sa Barangay Lamlahak Gym, Lake Sebu Evacuation Center at Lake Sebu Gym.

Sa ngayon, nagpapatuloy ang clearing operations sa lugar at inaalam din ang kabuuang pinsala na iniwan ng kalamidad.