KORONADAL CITY- Apektado ang mahigit 100 pamilya o mahigit 200 indibidwal dahil sa labis na pagbaha dulot ng malakas na pag-ulan sa Lutayan, Sultan Kudarat.
Kabilang sa mga apektado at binahang lugar ay ang Barangay Blingkong kung saan apektado din ang ekta-ektaryang pananim pati mga alagang hayop na inanod ng tubig-baha.
Napag-alaman na nakaapekto ang pag-apaw ng ilog na pumasok sa mga kabahayan kaya napilitan ang mga residente na lumikas.
Ayon naman kay Brgy. Blingkong Chairman Maximo Antonio, prayoridad nila sa ngayon ang kaligtasan ng mga residente sa kanilang barangay kung saan hindi sila agad-agad na pababalikin sa kanilang mga tahanan hangga’t may banta pa rin ng malakas na pag ulan at pagbaha.
Napag-alaman na inulan at binaha rin ang ilang mga lugar sa South Cotabato dahil sa magdamagang pag-ulan kung saan ayon kay PAGASA ( Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration)-12 forecaster Ben Rio, epekto ito ng localized thunderstorm.
Pinaalalahanan din nito ang mga residente sa mga low lying areas na maging alerto sa posibleng pagbaha at landslide.