CEBU CITY – Dumating na sa Cebu City ang daan-daang miyembro ng PNP-Special Action Force (SAF) upang tumulong sa pulisya sa Cebu.
Ito’y kaugnay sa mahigpit na pagpapatupad sa lockdown measures sa ilalim ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa lungsod ng Cebu dahil sa patuloy na pag-akyat ng bilang ng COVID-19 cases.
Inilahad ni Police Regional Office (PRO)-7 Director, PBGen. Albert Ignatius Ferro ang gagampanang papel ng PNP-SAF sa lungsod.
Binigyang diin nito na kailangang hindi mga taga-Cebu City ang magbabantay sa mga lockdown areas sa halip ay ang SAF mula sa Camp Crame.
Ayon kay Ferro ito’y upang maiwasan ang familiarization sa pagitan ng mga residente para sa mahigpit na pagpapatupad sa “stay at home” order.
Kaugnay nito pinaalalahanan ni Ferro ang publiko na manatiling mahinahon upang tuluyan nang makaiwas sa COVID-19.
Samantala, umabot sa 4702 ang kabuuang bilang ng COVID-19 cases sa lungsod ng Cebu matapos nadagdagan ng 95 na bagong kaso ngayong araw.
Sa datos ng Cebu City Health Department, nasa 48 ang nadagdag sa mga naka-recover sa sakit dahilan ng pag-akyat sa bilang nito sa 2369.
Nasa 136 ang mga pumanaw kung saan 17 ang nadagdag ngayong araw.