-- Advertisements --

(Update) BACOLOD CITY – Napilitan ang mga residente sa Escalante City, Negros Occidental, na lumikas kasunod ng engkuwentro ng militar at mga miyembro ng New People’s Army (NPA) kahapon.

Sa panayam ng Bombo Radyo Bacolod kay 303rd Infantry Brigade commander Brigadier General Benedict Arevalo, mahigit 100 residente ang lumikas sa barangay hall ng Old Poblacion matapos makasagupa ang 79th Infantry Battalion at NPA members sa Sitio Maitum.

Ayon kay Arevalo, walang nadamay na sibilyan ngunit minabuti ng mga residente na lumikas habang patuloy pa ang clearing operations ng militar.

Ang mga sundalo ay rumesponde sa lugar matapos makatanggap ng impormasyon na may armadong mga lalaki sa Sitio Maitum at dito na naganap ang bakbakan na tumagal ng 10 minuto.

Kasunod ng sagupaan, nahuli ng militar ang dalawang miyembro ng komunistang grupo kabilang na ang kasapi ng SPARU North Negros Front na si Revely Tayab na nahaharap sa kasong murder.