KORONADAL CITY – Nasa higit isang libong mga anti-mining advocates ang nag-martsa mula sa Christ the King Cathedral hanggang sa harap ng kapitolyo ng South Cotabato upang ipanawagan kay Governor Reynaldo Tamayo Jr. na e-veto ang ordinansa na nag-lift na sa ban sa open pit mining sa probinsiya.
Ayon kay Most Rev.Cerilo Casicas, DD, Obispo ng Diocese of Marbel, ang nasabing aktibidad ay pagpapakita ng pagkadismaya sa mga kasapi ng Sangguniang Panlalawigan matapos na inaprubahan “unanimously” ang pag-lift sa ban sa open pit mining sa probinsiya.
Hindi lamang ang ibat-ibang parokya ng Diocese of Marbel ang sumama sa solidarity walk kundi maging ang ibat-ibang sector at religious organization kabilang na ang mga kabataan, at mga mamamayan sa South Cotabato na hindi sang-ayon sa ginawa ng sampung mga kasapi ng SP.Habang nagsasagawa ng programa sa labas ng kapitolyo ay nakipag-dayalogo naman ang Obispo at mga kasamahan nito sa gobernador ng probinsiya.
Lumabas din ang gobernador at humarap sa mga nag-martsa at ipinangakong pag-iisipan nito ng maigi ang kanyang desisyon.Ipinangako din nito na bubuo umano ng isang Technical Working Group (TWG) na siyang mag-e-evaluate muna sa isusumiteng ordinansa ng Sangguniang Panlalawigan kung nasunod ang proseso ng ammendment ng Environment Code ng South Cotabato.
Napag-alaman na wala pa sa opisina ng gobernador ang mga dokumento ng ordinansa mula sa SP dahil binawi umano at may aayusin pa.
Sa ngayon, umaasa ang mga taga South Cotabato na mananatili ang ban sa open pit at hindi matuloy ang operasyon ng Copper Gold project ng Sagittarius Mines Incorporated sa bayan ng Tampakan.