Malaking bulto pa ng mga overseas Filipino workers (OFW) ang dumating sa Ninoy Aquino International Airport na sumailalim sa repatriation program ng gobyerno sa gitna na rin ng lockdown na ipinatupad ng mga bansa bunsod ng COVID pandemic.
Iniulat ng Department of Foreign Affairs (DFA) na nitong nakalipas na magdamag, pinakamaraming OFW ang dumating na nasa mahigit 300 mula sa Saudi Arabia.
Nasa halos 200 ding mga kababayan na nawalan ng trabaho mula sa Qatar ang dumating din.
Isa ring special repatriation flight sakay ang 200 overseas Filipinos ang sumunod na lumapag sa NAIA mula naman sa bansang Bahrain.
Umaabot naman sa 140 na mga returning overseas Filipinos mula sa Los Angeles sa Amerika ang sakay ng Philippine Airlines flight 103.
Kabuuang 273 ring OFW ang matagumpay din na nakarating sa bansa mula sa United Arab Emirates.
Samantala, binisita naman ng ilang opisyal ng Philippine Consulate sa Hong Kong ang isa sa pasilidad na ginagamit sa COVID testing program na nasa Queen Elizabeth Stadium sa Wanchai.