Ipinagmalaki ng Department of Foreign Affairs na kanilang pinangasiwaan o pinondohan ang pagpapauwi sa nasa 102,519 overseas Filipinos (OFs) mula noon pang Pebrero 2020.
Sa nasabing bilang, 43,893 (42.8%) ang sea-based Filipinos; habang 58,626 (57.2%) ang land-based Filipinos na na-stranded o nawalan ng trabaho bunsod ng COVID-19 pandemic.
Nito lang nakalipas na linggo, umabot sa 12,022 na mga overseas Filipinos ang nakauwi sa bansa mula Netherlands, New Zealand, Qatar, Saudi Arabia, United Arab Emirates, Estados Unidos, at iba pa.
“This week, the DFA brought home a total of 8,895 OFs from the Middle East, 1,806 from the Asia-Pacific, 677 from Europe and 644 from the Americas. Of these repatriates, 1,400 were brought home from Malaysia, Qatar, and Saudi Arabia on board four DFA-chartered flights, paid for by the Assistance-to-Nationals Fund,” saad sa pahayag ng kagawaran.
Maliban dito, sinabi rin ng ahensya na natulungan nilang mapauwi ang nasa 280 Pinoy sa New Zealand sakay sa unang repatriation flight mula noong Abril.
May inasistehan din daw silang 111 sea-based Filipinos sa Fujian, China na na-stranded sa siyam na Chinese fishing vessels na napilitang mag-angkla sa gitna ng karagatan dahil sa COVID-19 restrictions.
Noong Huwebes nang dumating sa Manila Port ang naturang mga Pinoy.
“The DFA, together with its Philippine embassies and consulates around the world, remains fully committed to bringing home our nationals abroad amid the COVID-19 pandemic,” dagdag nito.
Una nang sinabi ni Overseas Workers Welfare Administration administrator Hans Leo Cacdac na inaasahan nilang mapapauwi nila ang nasa karagdagan pang 150,000 Pinoy sa mga susunod na buwan.