Hindi bababa sa 10,000 persons deprived of liberty (PDLs) ang inaasahang makikinabang sa desisyon ng Korte Suprema na ang mga PDL na nahatulan ng heinous crimes ay may karapatan sa good conduct time allowance (GCTA).
Ito ang kinumpirma ng pamunuan ng Bureau of Corrections nitong Huwebes.
Sa isang pahayag, sinabi ni BuCor Director General Gregorio Catapang Jr., na uunahin nila ang mga kwalipikadong PDL na may terminally ill o may malubhang sakit, kaya may oras pa silang makasama ang kanilang mga mahal sa buhay.
Kung maaalala, noong Miyerkules, sinabi ng SC na malinaw sa Republic Act 10592 na “ang sinumang nahatulang PDL ay may karapatan sa GCTA hangga’t ang bilanggo ay nasa anumang penal institution, rehabilitation or detention center o anumang iba pang lokal na kulungan.”
Sinabi ni Catapang na ipapasa nila ang kanilang mga rekomendasyon sa Department of Justice.
Makikipag-ugnayan din aniya ang BuCor sa Department of Labor and Employment at sa Technical Education and Skills Development Authority para sa mga oportunidad sa trabaho para sa mga PDL.
Samantala, iniugnay ni Catapang ang balita sa National Jail Decongestion Summit, na naganap noong Disyembre 2023.