-- Advertisements --

Iniulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na nasa 2,780 pamilya o 11,145 indibidwal ang naapektuhan ng Bagyong Kiko.

Batay sa latest situational report na inilabas ng ahensiya ang mga nasabing indibidwal ay mula sa 97 barangays sa Regions 1, 2, 3 at Cordillera Administrative Region (CAR).

Ayon kay NDRRMC Spokesperson Mark Timbal, nasa kabuuang 1,563 indibidwal ang kasalukuyang nananatili sa mga evacuation centers habang ang nasa 2,094 displaced individuals ay piniling tumuloy sa kanilang mga kamag-anak sa labas ng evacuation centers.

Sinabi ni Timbal apat na insidente ng landslide ang naiulat sa region 1 lalo na sa Aringay, Burgos at San Fernando sa La Union.

May mga pagbaha na naitala sa 19 na mga lugar sa mga bayan ng Macabebe, San Simon, at Candaba sa Pampanga.

Anim na mga daan ang hindi passable kung saan tatlo sa region 2, dalawa sa region 3 at isa sa CAR.

Nakapagtala din ang NDRRMC na 93 passengers stranded sa Regions I, II, III, Calabarzon, XII, and CAR.

Samantala, nasa kabuuang 160 family food packs ang ipinamahagi na sa mga apektadong pamilya sa Region I.