BAGUIO CITY – Nakinabang ang mahigit 1,100 na OFWs sa Cordillera Administrative Region sa “Abot – Kamay ang Pagtulong” (AKAP) program ng pamahalaan.
Ayon kay OWWA – Cordillera Overseas Worker Welfare Officer II Margie Ungson, nakatanggap ang 1,131 na OFWs sa Cordillera ng tig-P10,000 na tulong pinansiyal sa ilalim ng programa.
Aniya, nakatanggap ang OWWA-Cordillera ng 2,564 na aplikasyon para sa AKAP program.
Inihayag ng opisyal na nagpapatuloy ang proseso ng 655 sa mga naturang aplikasyon habang kinokompleto pa ang mga dokumento ng 319 na aplikasyon.
Binanggit pa ni Ungson na mayroong 75 na aplikasyon na nadiskwalipika dahil nakatanggap na ang pamilya ng mga aplikante ng tulong mula sa ibang programa ng pamahalaan.
Hindi rin kuwalipikado sa programa ang 38 na aplikasyon dahil nakatanggap na ang mga aplikante ng tulong-pinansyal mula sa OWWA.
Kaugnay nito ay umapela si OWWA – Cordillera Regional Director Manuela Peña sa mga aplikante para maging matiyaga ang mga ito sa paghihintay ng resulta sa kanilang aplikasyon.