Nasa 12,589 na ang naitalang lumabag sa umiiral na uniform curfew hours sa Metro Manila mula alas-10: ng gabi hanggang alas-5:00 ng umaga.
Ito ay base sa datos na inilabas ng PNP as of 6:00 A.M. kaninang umaga.
Iniulat ni PNP OIC Lt. Guillermo Eleazar, sa mga nahuling violators, lima ang inaresto at na-inquest; habang 3,646 sa mga inaresto ay pinalaya din para sa regular na pagsasampa ng kaso.
Nasa 4,638 naman sa mga nahuling violators ang pinagmulta; 3,766 ang binigyan ng warning; at 534 ang pinagawa ng community service.
Sa limang police districts sa National Capital Region, ang may pinakamaraming naaresto ang Manila Police District sa nakalipas na apat na araw nasa 3,967.
Una nang sinabi ni Eleazar na magiging istrikto ang mga pulis sa pagpapatupad ng curfew sa gitna ng patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa Metro Manila.
Samantala, pinangunahan naman ni SPD director, B/Gen Cruz ang mahigpit na pagbabantay sa isinagawang checkpoint operations ng Pasay City Police Station sa pamumuno ni Col. Cesar Paday-os kagabi upang masiguro ang istriktong pagpapatupad ng Unified Curfew Hours sa Metro Manila.
Ayon kay Cruz, lahat ng motorsiklo na delivery foods at mga indibidwal na kabilang ang tinaguriang authorized persons outside residence (APOR) ay maaring makalampas ng checkpoint.
Mahigpit din na ipinag-utos ni NCRPO chief M/Gen. Vicente Danao ang paghihigpit sa mga checkpoints sa lahat ng boundaries sa Metro Manila at kailangan higpitan lahat na papasok na sasakyan para maiwasan at mabawasan ang tao sa Metro Manila mula alas-10:00 ng gabi hanggang alas-5:00 ng umaga.