LEGAZPI CITY – Nakahanda na ang buffer stock na 1,255 na sako ng bigas na ipapamahagi sa mga magsasakang naapektuhan ng nararanasang El Niño sa Catanduanes.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Catanduanes Agriculture Office Rice Report Officer Lorna Vargas, ilan sa mga magsasaka ang wala talagang magiging kita matapos maapektuhan ng phenomena ang rice crops.
Upang magkaroon ng alternatibo at makatulong sa kabuhayan, humingi na ng asistensya ang naturang tanggapan sa Department of Agriculture (DA) upang makapagbahagi ng pananim na mais, mongo at iba pang gulay na maaring mabuhay sa mainit na panahon.
Nabatid na mayroon ding inaalok na insurance sa mga magsasaka sa pagbabayad ng pinsala sa pananim at maibalik kahit ang kapital ng mga ito.
Samantala, posibleng mapag-usapan din ang iba pang solusyon sa mangyayaring pagpupulong sa susunod na linggo.