Ipinagmalaki ng pamunuan ng Metro Rail Transit-Line 3 ang aabot sa kabuuang 135,885,336 pasahero na kanilang napagsilbihan noong nakalipas na taon.
Ayon sa kumpanya, katumbas ito ng 5.3% na pagtaas mula sa dating mahigit 129-million na commuter na naitala sa parehong period noong taong 2023.
Sumampa rin sa kabuuang 5.1% ang daily average ng mga pasaherong sumasakay sa tren ng MRT-3 noong 2024 at ito ay katumbas ng aabot sa kabuuang 375,474 pasahero.
Naitala ng kumpanya ang pinakamalaking bilang ng pasahero sa buwan ng Oktubre noong nakalipas na taon na pumalo sa higit 12-milyon na pasahero.
Nasa 900,000 na mga pasahero ng naturang linya ng tren ang nakinabang sa libreng sakay program nito noong 2024.
Sa isang pahayag ay sinabi ni MRT-3 General Manager (GM) Oscar Bongon, ang mataas na numero ng mga pasaherong tumatangkilik sa kanilang istasyon ay dahil na rin sa mabilisang pagsasaayos nito ng mga nasirang linya at maintenance operations sa mga bagon ng tren at maging sa linya ng mga riles nito.
Tiniyak naman ng opisyal na ipagpapatuloy nila ang pagbibigay ng magandang serbisyo sa publiko ngayong 2025.