-- Advertisements --

CAGAYAN DE ORO CITY – Magpapasaklolo kay Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr ang nasa 14,000 na pamilya na umano’y hindi maayos na nabigyan ng kanilang nararapat na matanggap na compensation funds kasunod pagka-danyos ng mga ari-arian noong kasagsagan ng 2017 Marawi Siege ng Marawi City,Lanao del Sur.

Panggigiit ito ng Marawi Consensus Group dahil hindi umano tama ang presyuhan ng mga natanggap na kabayarang-pinansyal ng mga apektadong residente na direct beneficiaries ng Marawi Compensation Law.

Dumayo pa sa Cagayan de Oro City ang grupo ni Marawi Consensus Group founder Drieza Lininding upang maihayag sa local media ang hinaing nila na mabigyang aksyon ni Marcos ang umano’y pagkukulang ng mga bumubuo sa Marawi Compensation Board (MCB).

Partikular na tinukoy ni Lininding ang sobrang baba umano na ibinigay ng MCB sa Marawi IDPs na kabayaran na nagkahalaga lang ng higit P100,000 sa tatlong palapag na residential house na kabilang sa nagtamo ng grabeng danyos.

Kaugnay nito, nagsagawa rin ang IDPs ng rally at signature campaign patungkol sa isyu upang mapaabot sa atensyon ng pangulo.

Magugunitang nang pumutok ang Marawi Siege dahil tangkang sakupin ng Maute – ISIS terror group ang buong syudad ay maraming mga sibilyan ang nasawi at maging ang mga sundalo’t pulis ay nagbuhis-buhay rin dahil tumagal ng limang buwan ang engkuwentro simula Mayo hanggang Oktobre 2017.