Malaki umano ang naitulong ng online hearing o video conferencing hearings para madinig ang mga nabinbing pagpapalaya sa ilang persons deprived of liberty (PDLs) sa kasagsagan ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic sa bansa.
Ayon sa Korte Suprema, sa ngayon kabuuang 14,414 na ang napalayang PDLs mula nang simulan ang videocon.
Sa report ng Office of the Clerk of Court ng Supreme Court (SC) mula Abril 30 hanggang Mayo 8 ay umabot sa 4,683 na mga PDLs mula sa kustodiya ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), provincial jails at sa mga lock up cell at custodial centers ng PNP ang nakalaya na.
Mas napabilis ang pag-release sa nakalipas na linggo dahil sa mga isinagawang video-conferencing hearings, kumpara sa naunang unang anim na linggo ng enhanced community quarantine (ECQ) o mula March 17 hanggang April 29 na may kabuuang 9,731 na PDL ang napalaya.
Sinabi ni Chief Justice Diosdado Peralta na malaki ang naitulong ng paggamit ng teknolohiya para mapahusay pa ang pagbibigay ng hustisya sa mga panahong tulad ngayong mahigpit na ipinagbabawal ang mass gathering o umpukan ng mga tao sa iisang lugar.