-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – All systems go na umano ang Police Regional Office Region 5 (PRO-5) sa pagtiyak ng seguridad ng mga babantayang polling precinct sa Bicol.

Sinabi ni PNP Bicol information officer Police Maj. Maria Luisa Calubaquib sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, naka-deploy na ang mahigit 14,000 pinag-isang tauhan at force multipliers sa anim na lalawigan upang mapunuan ang dalawang pulis sa bawat presinto na requirement.

Tiwala si Calubaquib na 99.9 percent complied na ang mga kinakailangang security force sa pagbabantay sa Honest, Orderly at Peaceful Elections (HOPE).

Nagsagawa na rin aniya ng Final Command Conference sa pangunguna ng Commission on Elections (Comelec) kaagapay ang Armed Forces of the Philippines (AFP) at PNP.

Sa susunod na linggo naman magkakaroon ng mga aerial survey sa mga terrain at highway, maging sa ibang lugar na hindi pwedeng daanan.

Tiniyak naman ni Calubaquib ang kahandaan sa mga posibleng scenario bago, habang o matapos ang halalan kaugnay ng isinagawang Simulation at Communication Exercises noong Abril 16 hanggang 17.