LEGAZPI CITY – Darating ngayong umaga sa Bicol ang dagdag na alokasyon ng bakunang gawa ng kumpanyang Sinovac.
Matatandaang Marso 4 ng dumating ang unang batch ng 12, 000 doses ng bakuna para sa rehiyon.
Sa impormasyon mula sa Department of Health-Center for Health and Development Bicol, alas-9:55 ngayong umaga ang expected time of arrival ng mga bakuna sa Legazpi Airport.
Inaasahang nasa 14, 400 doses ng Coronavac vaccines ang darating subalit hindi inaalis ang posibilidad na madagdagan pa ito.
Sa abiso mula sa DOH regional office, nakalaan ang naturang alokasyon sa mga frontline workers sa lahat ng ospital, pribado man o pampubliko na tumatanggap ng COVID-19 patients o hindi, quarantine at isolation facility, rural at city health units, stand-alone facilities, clinics at diagnostic centers.
Kasama na rin sa mga prayoridad na mabakunahan sa karagdagang alokasyon ang mga pasilidad tulad ng jails, drug treatment and rehabilitation centers at ilan pang closed o kulob na institusyon.
Sa muli, hinimok ng DOH ang publiko na magparehistro na sa pagpapabakuna at sundin ang nakatalagang araw ng vaccination.