Sumampa na sa 17,135 ang naitala ng Philippine National Police (PNP) na lumabag sa ipinatupad na Uniform Curfew Hours sa NCR Plus Bubble na kinabibilangan ng NCR, Bulacan, Cavite, Laguna at Rizal.
Ayon kay PNP Deputy Chief for Administration at ASCOTF Commander Lt.Gen. Guillermo Eleazar, ang datos ay mula nuong March 22 hanggang March 28, 2021 ng alas-10:00 ng gabi hanggang alas-5:00 ng umaga.
Sinabi ni Eleazar nasa 22 ang kasalukuyang nakakulong at isinailalim na sa inquest proceeding.
Nasa 6,791 naman ang binigyan ng warning; 7,042 ang pinagmulta; 2,381 naman ang pinalaya at nasa 899 ang pinagawan ng community service.
Sa nasabing datos, ang NCR ang may pinakamaraming naitalang curfew violators na umabot sa 13,847, sumunod ang Cavite na mayruon 1,551; Rizal nasa 739; Bulacan 598 at Laguna na nasa 400.
Inihayag ni Eleazar nasa kabuuang 5,291 na mga police personnel ang ipinakalat sa NCR Plus Bubble.
Pinalakas at pinahigpit pa ng PNP ang pagpapatupad ng checkpoints sa panahong umiiral ang curfew.
Epektibo bukas, March 29, 2021 magsisimula ang curfew ng alas-6:00 ng gabi na siyang simula din ng implementasyon ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa NCR Plus Bubble.