-- Advertisements --

Dumating na sa bansa ang ikalawang batch ng mas maraming bilang sa repatriation ng mga Overseas Filipino Workers (OFW) na biktima ng human trafficking abroad.

Kung saan ligtas na naihatid pabalik ng Pilipinas ang 176 Pilipinong manggagawa nang lumapag ang eroplanong may lulan sa mga ito galing Thailand mula sa bansang Myanmar.

Matatandaan na unang naibalik sa bansa ang nasa 30 biktima kahapon matapos humingi ng tulong at iasiste ng pamahalaan para sa kanilang pag-uwi.

Ayon kay Atty. Bernard P. Olalia, Undersecretary ng Department of Migrant Workers, ang mga repatriated OFWs ay ginamit at pinagtrabaho umano bilang mga scammer sa Myanmar.

Aniya, biktima sila ng illegal recruitment na nag-aalok at nangangako ng magandang sahod abroad ngunit nang ipadala at nakarating na sa naturang bansa ay pinagtrabaho ang mga ito bilang scammers sa scamhhub.

‘Sila po yung nakatanggap ng iba’t ibang mga offers mula sa kanilang mga social media platforms… pero bumagsak sila bilang scammers at hindi po sila dokumentado at hindi din sila dumaan sa proseso kaya sila ay humingi ng tulong sa ating gobyerno… ng sa ganon ay sila ay makauwi na ng Pilipinas,’ ani Undersecretary Bernard P. Olalia ng Department of Migrant Workers (DMW).

Dagdag pa rito, sinasabi na ang mga biktimang repatriated Overseas Filipino Workers ay hindi umano dumaan sa ligal na paraan ng paglabas ng bansa.

Ani kasi ni Undersecretary Bernard P. Olalia, dumaan sa backdoor ang mga ito at hindi kumpleto ang mga dokumentong kinakailangan upang matiyak na ligtas at ligal ang kanilang papasukang trabaho abroad.

‘Kaya sila nakarating duon dahil duon sa tinatawag nating backdoor migration corridor kung saan tumawid sila ng ibang bansa gamit po yung kanilang pasaporte lamang. Wala po silang appropriate VISA, wala silang work permit at hindi po nakita ng ating mga ahensiya tulad ng DMW kung sino yung employer na pupuntahan po nila,’ dagdag pa ni USec. Bernard P. Olalia, undersecretary ng Department of Migrant Workers.